Add parallel Print Page Options

23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang Sanhedrin at sinabi: Mga kapatid, ako ay namumuhay sa harapan ng Diyos na may malinis na budhi hanggang sa araw na ito. Si Ananias na pinakapunong-saserdote ay nag-utos sa mga malapit sa kaniya na sampalin si Pablo sa bibig. Nang magkagayon, sinabi ni Pablo sa kaniya: Malapit ka nang sampalin ng Diyos, ikaw na ang katulad ay pinaputing pader. Tama ba na ikaw ay nakaupo upang ako ay hatulan ayon sa kautusan at nag-utos ka na ako ay sampalin nang labag sa kautusan?

Sinabi ng nakatayo sa malapit: Nilalait mo ba ang pinakapunong-saserdote ng Diyos?

Sinabi ni Pablo: Mga kapatid, hindi ko nalalaman na siya ay pinakapunong-saserdote sapagkat nasusulat: Huwag kang magsasalita ng masama patungkol sa pinuno ng iyong mgatao.

Ngunit nang malaman ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang mga iba ay mga Fariseo, sumigaw siya sa Sanhedrin nang ganito: Mga kapatid, ako ay Fariseo, anak ng Fariseo. Ako ay hinahatulan patungkol sa pag-asa at sa muling pagkabuhay ng mga patay. Nang masabi na niya ang gayon, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo. Nagkabaha-bahagi ang kara­mihan. Ito ay sapagkat sinasabi nga ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, ni anghel, ni espiritu. Ngunit ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Fariseo.

At nagkaroon ng malakas na pagsisigawan. Tumindig ang ilan sa mga guro ng kautusan na kakampi ng mga Fariseo. Nakikipagtalo sila at sinabi: Wala kaming masumpungang anumang masama sa lalaking ito. Yamang siya ay kinausap ng isang espiritu o ng isang anghel, huwag nating kalabanin ang Diyos. 10 Lumala ang mainit na pagtatalo. Nangamba ang pinunong-kapitan na baka pagpira-pirasuhin nila si Pablo. Kaya inutusan niyang manaog ang mga kawal upang agawin siya sa kanilang kalagitnaan at ibalik sa kuwartel.

11 Nang sumunod na gabi, lumapit sa kaniya ang Panginoon at sinabi: Pablo, lakasan mo ang iyong loob sapagkat kung paano ka nagpatotoo patungkol sa akin sa Jerusalem, gayundin ang gawin mong pagpapatotoo sa Roma.

Ang Banta na Patayin si Pablo

12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang ilang mga Judio at ipinailalim nila ang kanilang sarili sa isang sumpa. Sinabi nila: Hindi kami kakain ni iinom man hanggat hindi namin napapatay si Pablo.

13 Mahigit na apatnapu sila na nagsab­watan. 14 At sila ay pumaroon sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. Sinabi nila: Ipinailalim namin ang aming mga sarili sa isang sumpa. Hindi kami titikim ng anuman hanggang hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya nga, ngayon kasama ng Sanhedrin, magpasabi kayo sa pinunong-kapitan na dalhin niya bukas sa inyo si Pablo na waring sisiyasatin ninyo siyang mabuti. Handa na kaming patayin siya bago dumating dito.

16 Ngunit narinig ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo ang patungkol sa kanilang gagawing pagtambang. Siya ay pumaroon at pumasok sa kuwartel at iniulat iyon kay Pablo.

17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi: Dalhin mo ang kabataang ito sa pinunong-kapitan sapagkat mayroon siyang iuulat sa kaniya. 18 Kaya nga, kinuha niya siya at dinala sa pinunong-kapitan.

Sinabi niya: Tinawag ako ng bilanggong si Pablo. Ipinamanhik niya sa aking dalhin ko sa iyo ang kabataang ito. May mahalaga siyang sasabihin sa iyo.

19 Hinawakan siya ng pinunong-kapitan sa kamay. Sila ay pumunta sa isang tabi at tinanong siya nang palihim: Ano iyong iuulat mo sa akin?

20 Sinabi niya: Pinagkasunduan ng mga Judio na ipamanhik sa iyo na bukas ay ipananaog mo si Pablo sa Sanhedrin. Magkukunwari silang may aalamin na lalong tiyak patungkol sa kaniya. 21 Huwag kang pahimok sa kanila sapagkat may apatnapung kalalakihan na nag-aabang upang manambang. Ipinailalim nila ang kanilang sarili sa sumpa. Hindi sila kakain ni iinom man hanggat hindi nila siya napapatay. Nakahanda na sila ngayon, naghihintay na lamang sila ng pangako mo.

22 Kaya pinaalis ng pinunong-kapitan ang kabataan. Iniutos niya sa kaniya: Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo sa akin ang mga bagay na ito.

Inilipat si Pablo sa Cesarea

23 Pagkatapos nito, tinawag niya ang dalawa sa mga kapitan. Sinabi niya: Ihanda ninyo ang dalawandaang kawal upang magtungo sa Cesarea sa ikatlong oras ng gabi. Isamarin ninyo ang pitumpung mangangabayo at dalawang daang maninibat.

24 Nagpahanda siya ng mga kabayo para masakyan ni Pablo. Ito ay upang ligtas nila siyang maihatid kay gobernador Felix.

25 Sumulat siya ng isang sulat na ganito:

26 Akong si Claudio Lisias ay bumabati sa kagalang-galang na gobernador Felix.

27 Ang lalaking ito ay hinuli ng mga Judio. Siya ay papatayin na lamang sana nila nang dumating akong may kasamang mga kawal. Iniligtas ko siya nang malaman kong siya ay taga-Roma. 28 Sa kagustuhan kong mapag-alaman ang paratang kung bakit siya ay isinakdal nila, pinapanaog ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nasum­pungan kong siya ay isinasakdal sa mga bagay patungkol sa kanilang kautusan. Ngunit walang anumang paratang laban sa kaniya na karapat-dapat hatulan ng kamatayan o tanikala. 30 Nang ipaalam sa akin na may bantang gagawin ang mga Judio laban sa lalaking iyon, agad ko siyang ipinadala sa iyo. Ipinagbilin ko rin sa mga nagsasakdal na magsalita ng mga bagay laban sa kaniya sa harapan mo. Paalam.

31 Kaya kinuha si Pablo ng mga kawal alinsunod sa iniutos sa kanila. Gabi nang dalhin nila si Pablo sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo. At bumalik sa kuwartel ang mga maninibat. 33 Nang makapasok sa Cesarea si Pablo at ang mga mangangabayo, binigay nila ang sulat sa gobernador. Iniharap din nila si Pablo sa kaniya. 34 Nang mabasa na ng gobernador ang sulat, tinanong niya siya kung taga-saang lalawigansiya. Nalaman niyang siya ay taga-Cilicia. 35 Sinabi niya: Pakikinggan kitang lubos pagdating ng mga magsasakdalsa iyo. Ipinag-utos niya na siya ay bantayan sa hukuman ni Herodes.